Mga Espasyong Walang Katiyakan

#Philippines #environment #toxicity #Embodied_Ecologies #labour #pollution #anthropology

28 juin 2025

 

BUMALIK SA TALAAN NG NILALAMAN
 
Sa pagsisimula ng aking fieldwork sa Marikina, dala ko ang pananaw na mayroong tiyak na pinagkaiba ang mga espasyong pantahanan at pantrabaho. Gayunpaman, sinubok ang pananaw na ito ng aking makita, marinig, at maranasan ang pang-araw-araw ng mga sapatero sa siyudad.

Sa tulong ng sensorial cartography bilang paraan ng pananaliksik, ang akdang ito ay naglalathala ng mga ginawang paraan ng pangongolekta ng datos upang ipakita ang pagtatagpo at paghahalo ng mga espasyong pantahanan at pantrabaho.

ni Precious Angelica Echague

Antropologo, mananaliksik para sa Embodied Ecologies project.

 

Isinalin sa Tagalog ni: P.A. Echague
Editorial coordination nina: Denice Salvation, Francesca Mauricio, Ara Dell Beatrice Abe & Philippe Rekacewicz

 
 

Ang akdang ito ay bahagi ng proyektong Embodied Ecologies ng Wageningen University & Research. Ito ay isang malaking kolaboratibong pagsisiyasat ukol sa pagdama at pag-intindi ng mga tao sa iba’t ibang uri ng mga produkto at polusyon na kanilang kinakaharap sa pang-araw-araw, at kung paano binabawasan ang epekto ng mga ito.


 
Si Reynaldo, 49-anyos, ay isang sapatero. Siya rin ang haligi ng tahanan na nasa taas lamang ng pagawaan ng sapatos. Ang pagawaan na ito ay kaniya ring pagmamay-ari. Sa isa sa napakarami naming mga panayam, tinanong ko si Reynaldo tungkol sa epekto ng paggawa ng sapatos sa kaniyang kalusugan. Ayon sa kaniya, mas “okay” daw para sa kalusugan ang ikalawang palapag ng kanilang bahay, dahil ang pagawaan sa ibaba ay "may rugby”, nagpapahiwatig na hindi ito maganda para sa kaniyang kalusugan. Sa ibang panayam, inilarawan naman niya bilang “pinaka-bahay” ang ikalawang palapag, nagpapahiwatig na kahit hindi maganda para sa kalusugan, ang pagawaan ng sapatos sa ibaba ay bahagi rin ng kanilang tahanan.

Ayon sa manunulat na si John Ruskin (1891, ayon sa pagbanggit ni Kaika, 2004), ang tunay na kalikasan ng tahanan ay nakahiwalay sa mga bagay na hindi kanais-nais, gaya na lamang ng mga pandikit (o mas kilala bilang rugby) na ginagamit ng mga sapatero gaya ni Reynaldo sa paggawa ng sapatos. Kaya ang pagturing ni Reynaldo ng pagawaan bilang bahagi ng kanilang tahanan kahit alam niyang masama ito para sa kaniyang kalusugan? Hinamon nito ang aking pagtingin na dapat ay mayroong tiyak na pagkakahiwalay ang mga espasyo ng tahanan at trabaho, lalo pa’t ang uri ng trabaho ay posibleng masama para sa kalusugan ng manggagawa at kaniyang pamilya.

JPEG - 1 Mio
Dalawang mag-aareglo (tagagawa ng itaas na bahagi ng sapatos), ang sukatera (taga-sukat ng disenyo), at mananahi na abala sa trabaho sa pagawaan ni Reynaldo, kuha ng may-akda noong Mayo 2023.
Larawan: P.A. Echague, 2023.

Sa aking etnograpikong pananaliksik, sinuri ko ang pang-araw-araw nina Reynaldo at iba pang mga manggagawa sa komunidad, kung saan nagtatagpo at naghahalo ang mga espasyong pantahanan at pantrabaho, at kung saan sila rin ay humaharap sa iba’t ibang uri ng mga polusyon, partikular ang industriyal na pandikit. Bilang bahagi ng Embodied Ecologies, siniyasat ko rin ang kanilang mga sensorial na karanasan at embodied na kaalaman tungkol sa kanilang exposure sa mga kemikal. Nagkaroon din kami ng kolaboratibong paggawa ng mga mapa na kumakatawan sa kanilang mga karanasan, at kinilala at sinusuportahan ang mga umiiral na paraan ng pagtugon sa mga pang-araw-araw na polusyon (Mandler et al., 2025). Sa akdang ito, aking bibigyang diin ang sensorial cartography o pagmamapa gamit ang iba’t ibang pandama (senses) ng katawan bilang isang etnograpikal na pamamaraan, kaakibat ng mga panayam at participant observation. Akin ring ididetalye sa akdang ito kung paano nakatulong ang pagmamapa upang mailahad ang pag-unawa ng mga sapatero sa mga espasyong pantahanan at pantrabaho, habang sinisiyasat din kung paano nagiging pang-araw-araw na pangyayari ang exposure sa industriyal na pandikit.

Pagdama (Sensing) ng Lugar

PNG - 835.5 kio
Paunang sensorial na mapa ng ilang bahagi ng Lungsod ng Marikina, mula sa fieldwork noong 2023.
Mapa: P.A. Echague, 2023.

Gamit ang aking katawan, ako ay nagsimula sa pagdama ng lungsod upang matukoy ang mga lugar kung saan maaaring magsasagawa ng fieldwork. Binigyang tuon ko ang iba’t ibang uri ng polusyon na aking naranasan. Ayon kay Mandler et al. (2025), ang mga komunidad na dumaranas ng polusyon ay maaaring tukuyin ang toxicity sa mga “intuitive at sensorial na mga paraan.” Batay naman kay Grandia (2021, na binanggit sa Mandler et al., 2025), maaaring magbigay ito ng pananaw sa iba’t ibang uri ng toxicity na kinahaharap ng ating planeta sa kasalukuyan.

PNG - 846.3 kio
Mga paunang sensorial na mapa mula sa mga binisitang pagawaan ng sapatos noong 2023.
Mapa: P.A. Echague, 2023.

Sa simula ay sinamahan ako at aking mga kapwa mananaliksik ng isang lokal na organisasyon ng kababaihan. Tinulungan nila kaming tukuyin ang mga lugar na maaari naming maging pokus at mga taong maaari naming makapanayam. Ako ay partikular na interesado sa mga maliliit na pagawaan ng sapatos dahil bago pa man magsimula ang aming proyekto ay nakakita ako ng isang pamilyang nagdidikit ng suwelas ng sapatos sa labas lamang ng kanilang tahanan.

PNG - 4.6 Mio
Isang reflexive na mapang naglalarawan ng pagawaan ng sapatos, ang unang palapag ng bahay ni Reynaldo. Ipinakikita nito ang pagtatagpo at paghahalo-halo ng mga espasyo ng tahanan at trabaho sa pamamagitan ng pagsasapawan ng mga kulay, pati na rin ang iba’t ibang amoy ng mga materyales sa paggawa ng sapatos.
Mapa: P.A. Echague, 2024.

Tuwing pumapasok ako sa maliliit na pagawaan na kadalasan ay nasa loob din lamang ng mga bahay, palagi kong naaamoy ang pandikit na gamit ng mga sapatero. Napapansin ko rin na ang tindi ng amoy nito ay nagbabago depende sa lokasyon, bentilasyon, at iba pang mga gawain sa loob ng pagawaan. Bukod pa rito, napansin ko rin na gumagamit ang mga manggagawa ng iba’t ibang uri ng kemikal, karamihan dito ay industriyal na pandikit na naka-repack sa maliliit na garapon.

Naisip ko na maaaring may mga problemang pangkalusugan sa ganitong uri ng mga trabaho—ang palagay na ito, gayunpaman, ay naimpluwensyahan din ng mga kwento tungkol sa solvent abuse at ng aking sariling karanasan sa amoy nito tuwing papasok ako sa mga pagawaan. Dahil dito, sinubukan kong alamin kung may pinagkaiba ba ang pananaw ng mga sapatero sa kanilang mga espasyong pantrabaho at pantahanan, gamit ang sensorial na pagmamapa. Ngunit wala sa kanila ang nagpahayag ng matinding pagkabahala tungkol sa pagawaan ng sapatos. Madalas nilang sinasabing “okay lang” o “sanay na.”

Paggawa ng sapatos sa Dolores St.

PNG - 3.3 Mio
Isang bahagi ng eskinita, post-processed, batay sa fieldwork na isinagawa noong 2023 at 2024.
Mapa: P.A. Echague, 2024.

Nakakalat ang mga bahagi ng pagawaan ni Reynaldo sa kahabaan ng Dolores St., hindi nito tunay na pangalan. Sa eskinitang ito sa “kabisera ng sapatos ng Pilipinas”, ang pagawaan ay nakatayo sa loob ng isang residential area, matatagpuan sa gitna ng mga gusali na halos walang pagitan, Ang pinakamalaking parte ng pagawaan at tirahan ng pamilya ni Reynaldo ay nasa isang konkretong gusali na may dalawang palapag. Mayroon ding pagmamay-ari na isa pang gusali si Reynaldo na mayroon namang tatlong palapag, hindi malayo sa kanilang bahay. Sa unang palapag ng gusaling ito, mayroong tirahan at espasyo para sa paggawa ng sapatos para sa isa sa mga sapatero; samantalang ang ibang palapag ay pinauupahan sa ibang pamilya. Bukod pa sa mga gusaling ito, umuupa rin si Reynaldo ng isang kuwarto mula sa kapatid niya sa kabilang kalye bilang gawaan ng sapatos para sa dalawang sapatero.

Dahil sa pagawaan ni Reynaldo, mayroong impormal na trabaho ang ilan sa kaniyang mga kapitbahay, gayundin ang mga manggagawang nakatira sa mga kalapit na eskinita. Ang isang pangkaraniwang araw sa pagawaan ay nagsisimula nang 9:00 sa umaga at nagtatapos ng 6:00 sa gabi. Dahil ang pagawaan ay malapit lamang sa kanilang mga tahaanan, pumapasok sa trabaho ang mga manggagawa nang nakapambahay. Habang ang ilang mga manggagawa ay kumakain kasama ng kanilang mga pamilya sa bahay tuwing tanghali, may mga pagkakataon kung saan ang iba ay pinipiling kumain sa pagawaan upang mas maging produktibo, lalo na kung mayroong mga rush order. Pagkatapos ng kanilang trabaho sa pagawaan, mayroon ding mga nag-uuwi ng kanilang trabaho sa kani-kanilang mga tahanan.

JPEG - 2.9 Mio
Nagdidikit si Nanet ng sapatos sa labas ng kanyang bahay at ng pagawaan.
Photo: P.A. Echague, 2023.

Para sa mga nanay, ang pagtatrabaho sa pagawaan ay nakatutulong upang makapagtrabaho habang nagagampanan ang iba nilang tungkulin sa bahay. Ang 47-taong gulang na si Nanet, kapitbahay ni Reynaldo, ay binigyang diin ang flexibility na ito nang tanungin kung ano ang pakiramdam nang nagtatrabaho sa pagawaan na nasa tabi lamang ng kaniyang bahay. Ipinaliwanag niya:

Maayos naman kasi kahit papaano, hawak ko ‘yung oras ko, kapag medyo pagod ako, nakakapagpahinga ako kasi malapit lang. Di na ako babiyahe o kung saan man. Malapit lang diyan lang sa labas namin. ‘Pag tanghali, papasok talaga ako sa loob at magpapahinga kasi mainit at ang aga ko gumising para [maghanda] para sa aking mga papasok [na anak at asawa]. Kaya maayos naman sa pakiramdam kasi hawak ko ang oras ko. »

Ang mga manggagawa ay tumatanggap ng bayad depende sa bilang ng kanilang nagawang piraso (o parte ng sapatos), at mayroong kakayahang mag-adjust ng oras na ilalaan sa trabaho. Ang mga mag-aareglo na nagtatrabaho kay Reynaldo ay karaniwang kumikita ng ₱18-₱20 kada pares ng sapatos, kaya ang kinikita nila kada linggo ay mga ₱1,800-₱2,000. Samantalang ang mga lalaking sapatero naman ay mas malaki ang kita, mula ₱2,500 hanggang ₱3,500 kada linggo, depende sa dami ng kanilang magagawang sapatos. Ayon kay Reynaldo, flexible ang sistema ng kanilang bayaran (piece-rate system) at maaaring ituring na “libangan” ang kanilang trabaho dahil mayroon silang kakayahang magtrabaho kung kailan nila gusto. Ngunit dahil sila ay binabayaran sa bawat piraso na kanilang matatapos, mas malaki ang kanilang kikitain kung mas marami silang oras na ilalaan sa pagtatrabaho.

JPEG - 2.5 Mio
Pinagtatagpi ng mananahi ang piraso ng mga balat para sa binubuong sapatos.
Larawan: P.A. Echague, 2023.

Para kay Reynaldo, Nanet, at sa iba pang mga gumagawa ng sapatos sa eskinita, ang paggawa ng sapatos ay malalim na nakaugat sa kanilang pang-araw-araw na buhay. “Kumbaga lifestyle na ‘to eh,” sabi ni Reynaldo sa isang panayam. Dagdag pa niya, “Mas malala pa nga nung dati dahil paghakbang mo sa kabila, gawaan ulet. Paghakbang mo, gawaan ulet. Lifestyle na ‘to kaya lahat nga ng kabataan dito, ‘yan ang natutunang trabaho.”

Pagmamapa ng mga espasyong walang katiyakan

JPEG - 391.8 kio
Paunang sensorial na mapa ni Nanet mula sa fieldwork noong 2023.
Mapa: Nanet, 2023.

Umaasang makakita ng magkaibang pagtingin sa mga espasyong pantahanan at pantrabaho, sinubukan kong alamin ang pananaw ng komunidad tungkol dito. Ngunit makikita sa mga sensorial map na aming ginawa na nakaugat ang kultura ng paggawa ng sapatos sa komunidad. Ang pagtagpo at paghahalo-halo ng mga espasyong pantahanan at pantrabaho ay hindi lamang makikita sa mga mapa kundi pati sa aking mga obserbasyon sa loob, at maging sa labas ng pagawaan.

Kahit may mga espasyong nakalaan para sa paggawa ng sapatos, mas gusto ni Nanet na magtrabaho sa labas ng pagawaan. Umuupo siya sa labas ng kanilang bahay na may dalawang palapag at hindi hihigit sa 20 metro kuwadrado ang laki. Ang bahay na ito ay kadikit din ng pagawaan. Dahil kasama ni Nanet sa kanilang bahay sa ibang miyembro ng kanilang pamilya bukod pa sa kaniyang mag-anak, kailangan nilang iangkop ang iba’t ibang aktibidad ng kanilang pamilya ayon sa ibang gawain ng kanilang mga kamag-anak. Minsan ay umaabot ito sa labas ng kanilang bahay at maging sa eskinita. Kapag nagtatrabaho naman si Nanet sa labas, minsan ay sinasamahan siya ng kanyang 15-taong gulang na anak na nag-aaral din at nakaupo sa isang bangko katabi niya. Minsan ay nanananghalian din sila sa eskinita habang siya’y nagtatrabaho. Magtrabaho lamang siya sa loob ng kanilang bahay tuwing umuulan.

PNG - 1.8 Mio
Isang di tapos na visualization ng unang palapag ng tahanan ni Nanet at ng kaniyang pamilya.
Guhit: P.A. Echague, 2024.

Nang tanungin ko si Nanet kung ano ang kaniyang mga nararamdaman sa loob ng kanilang bahay at sa espasyong kaniyang pinagtatrabahuhan sa labas, pareho siyang nagpahiwatig ng positibong pakiramdam para sa (1) kanilang kusina sa ibaba, kung saan natutulog din ang kanyang ina, at (2) sa kanilang silid sa itaas, kung saan kasama niya ang kaniyang asawa at tatlong anak – dalawang high school student, at isang elementary student. Ipinaliwanag niya na ito ang mga espasyo kung saan maaari silang magsama-sama ng kaniyang pamilya. Gayunpaman, ipinahiwatig din niya na ang mga espasyong ito, lalo na ang kanilang silid, ay masikip; ito ang tanging negatibong komento na kaniyang ipinakita sa sensorial map. Nagpahayag din siya ng mga neutral na komento, tulad ng “okay lang” at “sanay na” tungkol sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa labas ng bahay, at sinabi ring mas gusto niyang magtrabaho doon dahil ito ay “mahangin.”

PNG - 6.3 Mio
Ang mga sensorial map nina Nanet (Kanan) at Reynaldo (Kaliwa), post-processed, mula sa fieldwork noong 2023.
Mapa: P.A. Echague, 2024.

Sa kabilang banda, ang mga sensorial map ni Reynaldo ay nagpahiwatig ng mga damdamin ng kasiyahan sa parehong mga espasyo ng trabaho at tahanan sa kabila ng pagtanggap na maaaring may masamang epekto sa katawan ang mga pandikit. Nang i-mapa ang kanyang tahanan sa itaas at ang pagawaan, naglagay siya ng smiley face sa parehong mga palapag; gayunpaman, ang kanyang pangunahing tirahan sa itaas, ang kanilang “pangunahing” tahanan, ay may mas malaking ngiti dahil ayon sa kanya, mas komportable siya doon kaysa sa pagawaan dahil dito siya nagpapahinga.

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga sensorial map nina Nanet at Reynaldo at sa kung ano ang kanilang nararamdaman tungkol sa mga espasyong ito, napagtanto ko kung paano nagsasalubong, nagsasama-sama, at naghahalo-halo ang mga espasyong pantahanan at pantrabaho. Tunay ngang ang paggawa ng sapatos ay bahagi na ng kanilang pamumuhay, at ang lantarang presensya ng mga industriyal na kemikal tulad ng pandikit ay parte na ng kanilang pang-araw-araw.

Pagmamapa ng mga katawan

PNG - 661.9 kio
Paunang mga mapa na iginuhit ng aking mga nakapanayam.

Mayroong mga pag-aaral na nagpapakitang ang mga industriyal na pandikit ay naglalaman ng mga kemikal na hindi maganda sa katawan, tulad ng benzene at toluene na iniuugnay sa mga problemang pangkalusugan. Sa Pilipinas, ang toluene ay kina-classify rin bilang isang mapanganib na droga (Azari et al., 2012; De la Torre et al., 2009; Markkanen et al.. 2009). Dahil dito, nagtanong din ako tungkol sa mga epekto ng pandikit sa kanilang kalusugan dahil alam kong araw-araw nilang ginagamit ang mga kemikal na ito. Ngunit wala sa kanila ang nagsabing nakaranas sila ng anumang masamang reaksyon mula sa pagtatrabaho sa pagawaan. Sa inspirasyon ng occupational health mapping, isang metodolohiyang binuo ni Shadaan (2023) kung saan gumagawa ng mga body map (mapa ng katawan) upang mailarawan ang mga panganib sa trabaho, sinubukan kong usisain ang mga karanasang pangkatawan ng mga manggagawa na kaugnay ng pandikit.

Sa aming body mapping activity, parehong nagpahiwatig ng mga sakit o discomfort sina Nanet at ang 51-taong gulang na si Tina, ang sukatera (pattern tracer) sa pagawaan ni Reynaldo. Iniugnay nila ito sa pagtatrabaho ng mahabang oras sa pagawaan at pati na rin sa pag-aalaga sa kanilang mga pamilya. Nagbigay lamang ito ng ideya sa posibleng epekto ng mga pandikit. “Pag nagkakasabay-sabay [ang pagpahid], amoy na amoy na,” paliwanag ni Tina. Gayunpaman, binabalewala niya ito bilang mga epekto ng paghina ng kaniyang kalusugan dahil sa kaniyang pagtanda. Humihinto na lamang siya sa pagtatrabaho at lumalabas hanggang sa matapos ang mga mag-aareglo sa pagpahid ng pandikit.

PNG - 5.9 Mio
Ang mga body map nina Tina (Kaliwa) at Nanet (Kanan), post-processed, mula sa fieldwork noong 2023 at 2024.
Mapa: P.A. Echague, 2024.

Ipinakita sa mga iginuhit na body map ang iba pang mga isyung nakakaapekto sa kanilang kalusugan, tulad ng mahabang oras ng pagtatrabaho. Sa tulong ng body mapping, mas naging bukas din ang mga manggagawa tungkol sa kanilang mga karanasan at iba pang mga problemang pangkalusugan. Halimbawa, nalaman ko na ang Tuberculosis (TB) ay kabilang sa mga pangunahing alalahanin ng mga manggagawa na mayroong kinalaman sa kalusugan at pagtatrabaho sa pagawaan. Bukod dito, nalaman ko rin na mayroong ideya ang mga manggagawa tungkol sa mga posibleng pinsala ng mga pandikit, na nagmumula sa mga popular na kaalaman tungkol sa contact cement (o mas kilala bilang “rugby”) na kadalasang iniuugnay sa solvent abuse.

Bagamat mayroong pagkilala na ang mga industriyal na kemikal na ginagamit sa pagawaan ay maaaring makapinsala, hindi ito lumabas sa mga body map at wala sa mga nakapanayam ang nagpakita ng pangamba tungkol sa kanilang exposure dito. At kahit na ang mga manggagawa ay may iba pang alalahaning pangkalusugan, hindi nila tiyak na iniuugnay ang mga ito pandikit. Halimbawa na lamang nito ay ang TB. Bukod pa rito, madalas nilang ipaliwanag na sila ay sanay na sa pandikit at hindi nila ito inaabuso, hindi tulad ng mga bata na gumagawa nito.

Pagwawakas

Sa pakikinig sa mga kwento ng namumuhay at nagtatrabaho sa Dolores St., madalas kong marinig na ang mga gumagawa ng sapatos ay sanay na sa pagtatrabaho sa pagawaan at sa anumang kaakibat nito. Ito ay lumabas din sa mga mapping session tuwing sinusubukan kong usisain kung ano ang kanilang mga iginuhit sa mapa. Dahil dito, sinimulan kong tignan ang pandikit bilang parte ng kanilang araw at nagsimula ring suriin ang pagtatagpo at paghahalo-halo ng mga espasyong pantahanan at pantrabaho sa Dolores St.

Sa pagtingin sa mga pandikit bilang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng komunidad, lumilitaw ang “sanayan” bilang isang adaptive response sa pagtatrabaho kasama ang mga nakalalason na kemikal sa pagawaan. Ipinapakita nito ang pagiging pamilyar ng mga gumagawa ng sapatos sa mga kemikal na kanilang ginagamit. Habang ang ilang mga iskolar ay naniniwala na ang tahanan ay dapat na nakahiwalay sa panganib, hindi ito ang kaso para sa mga sapatero ng Dolores St. na lumaki kasama ng pandikit at kung saan ang kanilang mga tahanan ay malapit sa, o may presensya ng, mga kemikal na ito.

Sa pamamagitan ng paggamit ng participatory at sensorial mapping bilang isang etnograpikong metodolohiya, ako at ang aking mga research partners, ay nakapagpalabas ng mga naratibong sa simula ay hindi ko agad nakita bilang isang mananaliksik. Bilang isang taga-labas, ang paglahok ng aking mga kinapanayam sa proseso ng paggawa ng mapa ay nagbigay-daan sa akin upang makita ang kanilang pananaw sa mundo, na siyang naglalantad din ng mga geo-political, sosyal, at maging mga ekonomikong reyalidad (Rekacewicz, 2021).

Sa maliliit at nasa bahay na pagawaan ng sapatos, at kung saan nangyayari ang exposure sa mga industriyal na kemikal nang maraming oras sa isang araw, hindi natin tiyak kung ano ang nasa hangin at kung paano ito makakaapekto sa mga taong humihinga nito. Ang pagdama at pagpapakita ng mga nararamdamang ito ng mga manggagawa ay nagbigay ng pag-unawa kung paano sila namumuhay kasama ng pandikit, at iba pang mga isyu na mahalaga para sa kanila. Ibinibida rin nito ang mga kaalaman na naka-angkla sa laylayan (Palis, 2022; Mandler et al., 2025).

P.A. Echague

 
Mga sanggunian

  • Mandler, Tait, Mariana Rios Sandoval, Michael Lim Tan, and Anita Hardon. Embodied Ecologies: How We Sense, Know and Act to Reduce Cumulative Chemical Exposures in Our Everyday Lives. Medicine Anthropology Theory (forthcoming).