Pagiging Asul ng Pulang Ilog

Ang Ugnayan ng Politika, Ekonomiya, at Lipunan sa Pagbabago ng Ilog

30 juin 2025

 

BACK TO THE TABLE OF CONTENTS
 
Nagsimula ang mga naunang sibilisasyon sa tabi ng ilog dahil sa mga pakinabang nito. Ngunit ngayon, nag-iba na ang mga tungkulin ng mga ilog. Dito, susubukan kong ipaliwanag kung paanong ang Ilog Ambalanga (sa munisipalidad ng Itogon, sa hilaga ng Pilipinas), na dating kilala sa pagkakaroon ng masaganang biodiversity, ay unti-unting namamatay dahil sa mga epekto ng pagmimina. Hindi sapat na sisihin lamang ang mga maliliit na minero, kundi kailangan ding isaalang-alang ang kawalan ng aksyon ng mga may kapangyarihang kumilos upang mapabuti ang estado ng ilog.

ni Shania Lucyao

Faculty member, Social Studies Department, Benguet State University
Isinalin sa Tagalog ni: P.A. Echague at Ara Dell Beatrice Abe

 

Ang akdang ito ay bahagi ng proyektong Embodied Ecologies ng Wageningen University & Research. Ito ay isang malaking kolaboratibong pagsisiyasat ukol sa pagdama at pag-intindi ng mga tao sa iba’t ibang uri ng mga produkto at polusyon na kanilang kinakaharap sa pang-araw-araw, at kung paano binabawasan ang epekto ng mga ito.


Pagtukoy ng Lugar

Tuwing may nagtatanong sa akin kung saan ako galing at sinasabi kong “Gumatdang,” karaniwan nilang ibabalik ang tanong, hindi batid kung saan iyon. Upang mas madali nilang matukoy ang aking bayan nang hindi masyadong nagpapaliwanag, karaniwan kong sinasabi, “Malapit sa Barangay Tuding.” Bagamat hindi pamilyar ang karamihan sa aking barangay, madalas ay alam nila ang munisipalidad at ang iba pang mga barangay nito.

Ang hindi nila alam ay ang Barangay ng Ucab na kilala sa produksyon ng ginto ay nagmula sa Barangay ng Gumatdang. Bukod pa rito, ang Gumatdang ay isa rin sa mga lugar ng unang American gold mining corporation, ang Atok-Big Wedge.

Batay sa kwento ng mga matatanda, mayroon daw isang mayamang lalaki na nagngangalang Pacalso. Siya ay nagmamay-ari ng maraming baka at madalas na nagdaraos ng mga engrandeng pista. Sa mga pagtitipong ito, ilang baka ang kaniyang kinakatay, at para mapreserba ang karne para sa susunod na gamit, ito ay pinatutuyo ng kaniyang mga katulong. Ibinibitin nila ang karne para matuyo, at ang kaugaliang ito ang kalaunan ay nagbigay inspirasyon sa pangalan ng lugar.

Kapag tinanong ng mga tao ang mga katulong ni Pacalso kung saan sila pupunta, sumasagot sila, “Undaw ak shi shashangan” na ang ibig sabihin ay “Pupunta ako sa lugar kung saan namin ibinibitin at pinatutuyo ang karne.” Sa paglipas ng panahon, ang lugar ay nakilala bilang Gumatdang.

PNG - 2.5 Mio
Figure 1 - Larawan 1 - Mapa na Nagpapakita ng Distansya ng Tahanan ni Paula at ng mga Kalapit na Tahanan sa Milling Area.
Mapa: Shania Lucyao, 2024.

Ano ang pagmimina para sa komunidad?

Sa kasalukuyan , walang malalaking korporasyon sa Gumatdang—mga maliliit o small-scale na minero lamang ang nagsusubok magproseso ng mga mina na naiwan ng mga nakaraang kumpanya. Ang aktibidad ng pagmimina ng ginto ay sinasabing ikinabubuhay ng halos lahat ng pamilya sa komunidad. Karamihan sa mga pamilya ay umaasa sa produksyon ng ginto. Ang mga pang-araw-araw na gastos, kasama na ang mga bayarin sa pag-aaral, ay sinusuportahan ng mina. Ang kita mula sa tunel ay direktang mapupunta sa pang-araw-araw na pagkain na inihahain sa mesa, mga pangangailangan sa loob ng bahay at mga allowance ng kanilang mga anak na pumapasok sa paaralan. Marami sa aking mga kapitbahay ang nakapagtapos ng kanilang kolehiyo sa pamamagitan ng kita ng kanilang mga magulang mula sa pagmimina ng ginto. Bagamat hindi lahat ay may sapat na kita, ang ilang mga bata ay napipilitang itigil ang kanilang pag-aaral at sa huli ay natatagpuan ang kanilang mga sarili sa mga madidilim at makikitid na mga butas ng tunnel.

Ang mga trader ng ginto ay bumibili ng isang gramo ng gintong high quality mula sa P 1,000 hanggang 1,500, habang ang gintong may low purity ay maaaring ibenta mula P500 hanggang 900. Ang kaakit-akit na halaga ng ginto ay nakakaakit ng mga indibidwal mula sa mga kalapit na probinsya upang magtrabaho sa barangay. Kaya naman, ang Gumatdang ay tinitirhan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang lugar.

Ang Ilog Ambalanga

Dahil maraming ilog at sapa sa lugar, karamihan sa mga taong bumibisita ay namamangha sa dami ng mga hanging bridge. Ngunit sa kabila ng kasaganaan ng mga daluyan ng tubig, halos lahat ng atensyon ay nakatuon sa Ilog Ambalanga. Ito ay lalong kapansin-pansin dahil ang pangunahing kalsada ay nakasunod sa ruta ng ilog. At dahil lahat ng mga ilog at sapa ay dumadaloy sa Ambalanga, ito ang pinakamalaking ilog dito. Mahalaga ring banggitin na ang mayroong dumadaloy na tubig dito mula sa mga kalapit na lugar tulad ng Baguio.

Ayon sa mga kwento ng mga matatanda, nakuha ng ilog ang pangalan nito mula sa kulay nito. Sa wikang Ibaloi, ang ambalanga ay nangangahulugang pula. Ipinaliwanag nila na, noong unang panahon, kung titingnan ang ilog, tila pula ang tubig na dumadaloy. Kung titignan ang ilog ngayon, mahirap isipin ang paglalarawang ito. Sa tingin ko, marahil, ang tubig ay dating malinaw, at ang kulay pula ay nagmula sa malalaking pulang bato na nasa kahabaan ng ilog.

Halos araw-araw akong tumatawid sa ilog at napansin ko na ang kulay ng tubig ay patuloy na nagbabago. Minsan ito ay nagiging kulay abo, berde, kayumanggi, kahel, asul, o pula, bagamat dilaw ang pinakakaraniwang kulay. Sa ilang mga araw, ang ilog ay mukhang pula, lalo na pagkatapos ng malakas na ulan, kapag ang tubig ay malinaw, at ang maitim na pulang bato ay nakikita, o kapag ang tubig mismo ay mukhang pula.

JPEG - 15.5 Mio
Larawan 2 - Ang Ilog Ambalanga sa iba’t ibang kulay.
Litrato: Shania Lucyao, 2024.

Ang kulay ng ilog ay madalas na nagpapahiwatig ng polusyon. Dagdag pa rito ang presensya ng mga plastik sa kahabaan ng ilog at minsan ay isang hindi kanais-nais na amoy mula sa tubig. Ang mga dumadaan sa ilog nang unang beses ay magsasabi na ito ay amoy “metaliko at lupa”. Bagamat inilalarawan nila ito sa ganitong paraan, wala akong napapansin na kakaiba o hindi kanais-nais na amoy—marahil dahil nasanay na ako rito.

Sa tuwing ang kulay ng tubig ay nagbabago, ang mga minero ang madalas na sinisisi. Iniuugnay ito ng marami sa kanilang iresponsableng pamamahala ng mga basura mula sa pagmimina.

Ano ang Sanhi ng Polusyon sa Ilog?

Isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kita sa barangay, bukod sa agrikultura, ay ang small-scale mining. Ang istruktura ng karamihan sa mga bahay ay sumasalamin sa kanilang malapit na koneksyon sa pagmimina ng ginto. Ang mga bahay ay madalas na itinayo na may dalawang palapag; karaniwan, ang unang palapag ay ginagamit para sa pagproseso ng ore. Dito, karaniwang makikita ang isang milling machine na pinapagana ng kuryente upang durugin ang mga ore. Ang palapag na ito ay naglalaman din ng mga leaching pad, kung saan ang mga milled ore ay ibinababad sa mga kemikal upang lubos na makuha ang mga piraso ng ginto dahil ang panning, isang manu-manong paraan, ay hindi kayang makuha ang lahat ng mga piraso. Ang ikalawang palapag ay nagsisilbing tirahan ng pamilya.

Sa kaso ng mga bahay na bungalow, karaniwan ay mayroong hiwalay na lugar na malapit sa kanilang bahay para sa pagproseso ng ore, madalas na ilang metro lamang mula sa bahay. Ang ganitong set-up ay nagbibigay-daan sa madaling pagsubaybay ng proseso, lalo na ang milling, kung saan mahalaga ang malapit na atensyon.

Ang ganitong pagkakaayos ng mga tahanan ay nagpapahiwatig ng vulnerability ng mga residente sa mga panganib sa kalusugan mula sa mga kemikal na kanilang ginagamit. Ipinakikita rin nito na madaling kapitan ng polusyon ang ilog. Ang mga kemikal na ginagamit sa pagkuha ng ginto ay mayroong cyanide, carbon, borax, lime, zinc dust, at nitric acid. Kapansin-pansing hindi kasama rito ang mga kemikal na ginagamit sa loob ng mga mina. Ang mga sangkap na ito ay may mga potensyal na masamang epekto sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran (International Labour Organization, 2024). Halimbawa, ang cyanide ay lubhang nakakalason at maaaring magkaroon ng malubhang epekto sa kapaligiran at sa kalusugan ng publiko kung makontamina nito ang nakapaligid na lugar (Earthworks, n.d.).

PNG - 3.4 Mio
Larawan 3 - Ang pagkakaayos ng mga bahay sa isang lugar ng barangay.
Mapa: Shania Lucyao, 2024.

Ang mga basura mula sa pagmimina, na lokal na kilala bilang duyot (mga tailings mula sa mga kemikal na pinrosesong may pinong-teksturang milled ores na hindi na naglalaman ng ginto), ay nakaimbak sa mga sako at nakatambak sa mga bukas na lugar sa malapit. Gayunpaman, ang ilang mga residente, na kulang sa espasyo ng imbakan, ay itinatapon ang mga tailings sa ilog—isang mainam na paraan dahil karamihan sa mga lugar na kung saan ginagawa ang milling at mayroong mga tailing pad ay malapit sa mga pinagmumulan ng tubig. Ang gawaing ito ay madalas na humahantong sa pag-iba ng kulay ng ilog.

Noong 2017, isang nababahalang mamamayan mula sa barangay ang kumuha ng larawan ng ilog na naging kulay asul at ibinahagi ito sa social media. Ang insidente ay nagdulot ng iba’t ibang reaksyon at nakakuha ng atensyon ng Mines and Geosciences Bureau, ang ahensya ng gobyerno na pangunahing responsable para sa konserbasyon at pamamahala ng mga mineral resources at para sa pagsubaybay sa mga isyu tulad nito. Nagsagawa ng imbestigasyon ang Bureau at unang natuklasan na ang kulay asul ay sanhi ng reaksyon ng cyanide at ferrous sulfate (ABS-CBN, 2017).

JPEG - 193.1 kio
Larawan 4 - Isang Insidente Kung Saan Muling Naging Asul ang Ilog Ambalanga.
Litrato kuha mula sa FB Page ng Barangay Gumatdang.

Ang Kaso ng Tulibeng

Nakausap ko si Paula (isang alyas), isang ina na may tatlong anak. Mayroon siyang kapitbahay na may milling area at leaching pad na malapit sa kaniyang bahay. Ipinahayag niya ang kaniyang pagkadismaya tungkol sa masangsang na amoy ng asido (nitric acid). “Sinisigawan ko sila na tumigil. Sobra ang amoy, isasara ko na lang ang bintana,” sabi niya. Idinagdag niya na ang mga kalapit na bahay ay naiistorbo rin minsan ng ingay mula sa rolling mill, lalo na sa gabi. Ayon kay Paula, ito ay isang karaniwang pinagmumulan ng tensyon sa kanila, lalo na sa pagitan samabahayang nagmimina at sa mga hindi. Ang mga indibidwal tulad ni Paula, na nababahala sa mga isyung ito, ay madalas na nagpapahayag ng mga alalahanin tungkol sa mga potensyal na panganib sa kalusugan.

Ang tapang na ipinakita ni Paula sa pagsaway sa kaniyang kapitbahay ay hindi karaniwan sa aming lugar, dahil ang aking mga kapitbahay ay mga kamag-anak ko rin. Kahit na kami ay naiirita sa amoy ng kemikal sa pagmimina, mahirap silang komprontahin nang direkta. Ang isa sa aking mga pinsan ay nagpopondo ng mga operasyon sa pagmimina, at bagamat ang kaniyang gilingan at leaching pad ay wala sa aming lugar, paminsan-minsan ay tinatawag niya ang kaniyang mga manggagawa sa aming lugar upang “magluto” ng ginto. Ang prosesong ito ay gumagamit ng nitric acid upang i-purify ang ginto. Nag-aalala kami na ang pagkompronta ay maaaring humantong sa away sa pamilya, kaya isinasara na lang namin ang aming mga bintana. Bihira rin na makakita ng mga pormal na reklamo sa barangay tungkol sa masangsang na amoy ng mga kemikal sa pagmimina, bagamat may mga naitalang kaso ng pagkalason ng mga baka o kambing mula sa pag-inom ng tubig na kontaminado ng mga bukas na leaching pad.

Nang bisitahin ko ang lugar, ang mga tuyong tailings ay nakalagay lamang dalawang metro mula sa leaching pad, halos umabot na sa pampang ng ilog. Ang mga tailings ay basta na lamang itinambak, nang hindi inilalagay sa mga sako, na halos bumuo ng isang maliit na burol. Karaniwang paniniwala sa mga miyembro ng komunidad na ang mga kemikal na mayroon ang mga tailings ay mawawala pagkatapos ng ilang panahon, lalo na ang cyanide. Sa katunayan, naniniwala ang isang minero na ang mga tailings ay maaaring gamitin bilang isang lupa para sa pagtatanim ng mga gulay dahil naglalaman ito ng lime na isa ring karaniwang elemento na ginagamit ng mga magsasaka upang palakihin ang kanilang mga pananim.

Sitwasyon sa mga Komunidad sa Ibabang Bahagi ng Ilog

Ang ilog na dumadaloy sa teritoryo ng barangay ay hindi ginagamit sa anumang paraan kaya hindi kami gaanong naapektuhan nito. Gayunpaman, ang polusyon sa tubig na dulot ng tao ay damang-dama ng mga komunidad sa ibabang bahagi ng ilog. Ang Barangay Tinongdan at Dalupirip ay nagsisilbing catch basin ng maruruming tubig. Hindi lamang ang tubig mula sa Ilog Ambalanga ang dumidiretso dito kundi pati na rin ang iba pang mga sapa na dumadaan sa iba pang mga komunidad na nagmimina.

JPEG - 6.9 Mio
Larawan 5 - Matapos mai-upload ang larawan ng Ilog Ambalanga na naging asul sa social media, agad na naglabas ang MGB ng utos na itigil ang operasyon ng 8 mina at ang pagproseso ng mga mineral sa barangay.
Litrato: Shania Lucyao, 2024.

“Ang mga komunidad na nagmimina sa taas ng ilog ang pumatay sa aming kabuhayan,” ito ang pahayag ng isa sa mga lokal na pinuno ng mga barangay sa ibabang bahagi ng ilog. Kaniyang sinabi na dati silang nag-aalaga ng tilapia sa mga ilog bilang kanilang hanap buhay ngunit sunod-sunod itong nalason kaya kinailangan nilang itigil ang pag-aalaga ng isda. Ayon sa kaniya, sa kasalukuyan ay mayroon pa ring nag-aalaga ng tilapia ngunit lamang ang mga may malalaking lote kung saan maaari silang magtayo ng kanilang mga fish pen. Dagdag pa rito, naglista rin sila ng bilang ng mga baka at kambing na namatay dahil sa pagkalason matapos uminom ng tubig mula sa ilog.

Ang mga lokal na pinuno ay sumulat ng mga liham sa mga tanggapan ng munisipyo at ng ibang ahensya ng gobyerno tungkol sa mga insidente ng pagkalason ngunit ayon sa kanila ay walang solusyon na ipinatupad upang maiwasan ito. Ayon sa isa sa mga lokal na pinuno:

Nakapagsulat na ako ng mga liham tungkol sa pagkalason nang walong beses. Ipinasa ko ito sa MGB at iba pang mga concerned offices. Ang payo lang nila sa akin ay pumunta ako sa iba’t ibang barangay at kausapin sila. Bakit? Iyon ba ang trabaho ng isang lokal na pinuno, ang bantayan ang mga minero na magtatapon ng mga nakalalasong basura sa ilog? Trabaho ko ba iyon? Parang sinasabi nila na wala akong ibang trabaho kundi ang magsilbing taga-bantay lang.”

Ang partikular na alalahanin na ito ay isa rin sa mga dahilan ng apela ng dalawang komunidad na ito para sa pagbuo ng isang bagong munisipalidad na kilala bilang Colos. Ang pag-apruba sa political request na ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kontrol sa kanilang sariling mga teritoryo. Kabilang na rito ang paggawa ng mga naaangkop na ordinansa at pagpapatupad ng mga umiiral na patakaran na maaaring talagang makabenepisyo sa kanila bilang mga apektadong komunidad.

Ang nangyayari ngayon ay nagtuturuan ang bawat isa. Ang mga komunidad sa ibabang parte ng ilog ay sinisisi ang mga minero dahil sa mga kemikal na ginagamit nila sa pagmimina. Ang mga minero naman ay itinatanggi ito at nagsasabing ang mga minero na nagpoproseso ng ginto gamit ang leaching pad method ang dapat sisihin. Dahil ang ilan sa mga minero ay nagsasagawa lamang ng tradisyonal na pamamaraan na hindi gumagamit ng mabibigat na kemikal. Ang mga minero na gumagamit din ng mga kemikal ay ipinagtatanggol ang kanilang sarili na nagsasabing maayos nilang pinamamahalaan ang kanilang mga basura.

Ang mga small-scale miners ay mayroon ding mga sentimyento tulad ng “Kung ang pagmimina ay sanhi ng polusyon sa kapaligiran, dapat ay ang buong operasyon ang atakihin, hindi lamang ang mga maliliit na minero kundi pati na rin ang mga korporasyon.” Ang mga komunidad sa itaas na bahagi ng ilog ay magsasabi rin na hindi sila dapat sisihin dahil sila rin ay mga biktima ng polusyon dahil ang tubig na dumadaan sa kanilang mga lugar ay puno na ng mga nakalalasong kemikal na nagmumula sa mga kalapit na bayan tulad ng Baguio. Bukod pa rito, mahirap ding ituro na ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda ay dahil lamang sa mga basura mula sa pagmimina dahil may mga ulat na nagsasabing ang mga waste pipes ng mga kabahayan sa itaas ng ilog ay direktang nagtatapon dito.

JPEG - 5.1 Mio
Larawan 6 - Mga Bato sa Ilog na may Mantsang Kulay Kahel.
Litrato: Shania Lucyao, 2024.

Dumagdag din sa eksena ang sentimyento ng mga lokal na pinuno ng mga komunidad na pagmimina kung bakit hindi nila mapigilan ang operasyon ng pagmimina. Ito rin ay direktang sumasagot sa tanong ng pinuno ng LGU ng komunidad sa ibabang parte ng ilog. Sinabi ng pinuno na “Mas mabuti na makita ko ang aking mga constituents na nagtatrabaho sa mga mina kaysa makita silang nagnanakaw. Hindi ko sila pipigilan sa pagmimina. Wala akong pera para pakainin sila.”

Mayroon ding tensyon sa loob ng komunidad tungkol sa operasyon ng mga maliliit na minahan. Ang mga orihinal na naninirahan ay mayroong sinasabi tungkol sa presensya ng mga lumipat lamang sa lugar. Si Oryang, isang nakatatanda, ay buong tapang na nagsabi:

Ayos lang na magpatuloy ang mga dayo sa pagmimina sa aming lugar. Ayos lang na humukay sila ng maraming butas at gumamit ng mga kemikal na makakasama sa ating kapaligiran. Swerte nila dahil mayroon silang lugar na babalikan kapag ang lahat sa aming lugar ay nasira na.”

Ano ang Dapat Gawin?

Matapos mai-upload ang larawan ng Ilog Ambalanga na naging asul sa social media, agad na naglabas ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng isang utos na itigil ang operasyon ng walong minahan at mga pasilidad sa pagproseso ng mineral sa barangay (ABS-CBN, 2017). Ang hakbang na ito ay nakaapekto sa maraming minero, lalo na ang mga hindi gumagamit ng mga leaching pad para sa karagdagang pagproseso ng kanilang mga ore. Bilang resulta, maraming pamilya na umaasa sa pagmimina para sa kanilang kabuhayan ang lubos na naapektuhan.

Ang senaryong ito ay nagpapakita kung paanong ang isang aksyon ay maaaring humantong sa mga malaking pinsala. Ito ay nagsisilbing isang panawagan sa lahat ng mga stakeholder na magpatibay ng isang holistic na pagtugon sa isyu—isa na nagbabalanse sa mga benepisyong pang-ekonomiya ng small-scale gold mining at mayroong proteksyon para sa kapaligiran at kapakanan ng tao. Isang human rights-based na paraan sa pamamahala ng mga kemikal sa pagmimina ang kinakailangan. Ang mga karapatan tulad ng karapatan sa buhay, impormasyon sa kalusugan, isang ligtas, malinis, at sustainable na kapaligiran, malinis na tubig, ligtas na mga kondisyon sa pagtatrabaho, at pakikilahok ay dapat itaguyod upang protektahan ang mga minero at mga rural na komunidad mula sa exposure sa mga kemikal (United Nations Sustainable Development Group).

Ang pagbabago ng pulang ilog at pagiging asul nito ay may kaugnayan sa mga aspetong politikal, ekonomiko, at sosyal. Dahil sa kasalukuyang sitwasyon, nananatili ang tanong: sino ang dapat managot?

Mga Sanggunian

#embodied_ecologies #Philippines #Itogon #pollution #toxicity #biodiversity