Pag-alala at (muling) pagbuo ng Tahanan

17 septembre 2026

 

PROYEKTO NG EMBODIED ECOLOGIESTALAAN NG MGA NILALAMAN

 
Paghahanap sa nagbabagong-anyo ng ugnayan sa lupa at kabuhayan ng isang displaced na komunidad sa tabi ng baybayin sa Batangas gamit ang mga mapang nakapagpapaalala

Para sa mga nakatira sa isla ng bulkang Taal, ang buhay matapos ang pagsabog nito ay hindi na muli maitutulad sa dati. Sa pamamagitan ng mga mapa ng ala-ala, inilarawan ng mga residente ang kanilang gunita ng tahanan nila sa pulo. Sa kanilang alaala, ito ay sagana at masigla. Binibigyang-diin ng mga sumusunod na larawang-guhit at naratibo ang pagkapatid ng kanilang kaugnayan sa lawa at lupa simula ng sila ay nanirahan sa pabahay. Tanda nito ang pagbabago sa kanilang kabuhayan at kaparaanan upang makapagdala ng pagkain sa kanilang mesa [1].

 

Sulat ni Bryan Pauchano

Antropologo
na may mga siping isinulat ni Doms Cordero

 

coordinasyong editoryal: Denice Salvacion.

 

JPEG - 3.3 Mio
Mga inabandonaang bahay sa isla ng Bulkang Taal.
Larawan: P.A. Echague, 2024.

Ang pagputok ng Bulkang Taal ay isa sa maraming sakunang naganap at tumatak sa Pilipinas sa nagdaang mga taon. Resulta nito ang pagbabago ng mga mukha ng kapaligiran sa isla, kasama na ang pagbabago ng relasyong sosyal ng komunidad na naninirahan sa rehiyon. Sa lebel na ekolohikal, ang pagputok nito ay nakatulong sa pagpapataba ng lupa sa isla.

Sa kabilang banda, daan-daang pamilya at residente ng isla ng Bulkang Taal, o pulo, ay napilitang talikuran ang buhay na kanilang nalalaman at magiting na itinaguyod—mga bahay, alagang hayop, kagamitan, pati kabuhayan. Isang malaki at nakapangwawasak na kawalan ito para sa marami.

Habang ang pagbagsak ng abo mula sa pagputok ng bulkan ay unti-unting nawala, hindi pa rin napapanatag ang mga taga-pulo. Naiwanan sila ng tungkulin na magpatuloy sa kanilang buhay sa kabila ng pagkawala ng ugnayan nila sa pulo matapos ideklara ng mga lokal na awtoridad na ang kanilang dating tirahan ay ngayo’y “no man’s land.” Nangangahulugan ito na ang pulo ay permanenteng nakasara na sa kung sinumang gustong manirahan dito. Naaalala ng isang taga-pulo ang araw ng pagputok ng bulkan, kasabay ang pagtanto ng tiyak na kawalan:

Tapos ‘yun, on the way na kami. Medyo nasa hati na, paglingon ko, ayun na naging abo na. As in, itim na yung usok… Sabi ko: “Wala na ! Wala na ! Hindi na namin mababalikan ang pulo. »

Sa kalaunan, ang mga taga-pulo na nawalan ng lahat dahil sa pagputok ng bulkan ay binigyan ng lokal na gobyerno ng pabahay sa isang resettlement area sa loob ng ‘mainland’, kung saan naroon din ang munisipyo. Sa wakas, matapos ang ilang taong pakikipagsiksikan sa evacuation centers kasama ang iba pang daan-daang pamilya, ang mga taga-pulo ay nabigyan na rin ng tirahan sa pabahay upang mag-umpisa muli.

Ngunit sa kabila ng panibagong pagkakataong magsimula muli, hindi pa rin lubos matanggap ng mga taga-pulo kung ano ang nawala sa kanila. Hindi ito nakagugulat dahil ang kanilang iniwan sa pulo ay ang kanilang buong buhay. Apat na taon na ang nagdaan mula nang pumutok ang bulkan noon 2020 ngunit sariwa pa rin ang alaala ng isla sa mga kababaihang nakilala namin sa pabahay. Tuwing nagbabahagi sila ng mga pangyayari matapos sumabog ng bulkan, malinaw at emosyonal nila itong nilalarawan.Minsan, mapapansing nagpipigil sila ng luha, na para bang kahapon lang ito nangyari.

Para sa mga taga-pulo na ang ugnayan sa isla ay naputol matapos ang pag-alis nila sa kanilang tinubuang-lupa, ang pagbuo ng tahanan at bagong buhay ay hindi natatapos sa pagkakaroon ng bahay. Ang paghahanap ng ibig sabihin ng buhay—o literal na hanapbuhay—matapos ang isang sakuna ay umpisa pa lamang para sa pinaapektadong komunidad ng pagsabog ng bulkang Taal.

Pag-alala ng hanapbuhay sa pulo

JPEG - 11.6 Mio
Ang pabahay noong Nobyembre 2024.
Larawan: Philippe Rekacewicz, 2024.

Noong una kaming dumating sa pabahay, sinalubong kami ng mga naglalarong bata sa kalsada at mga kababaihang namamahinga sa loob ng kanilang mga tahanan. Dahan-dahang silang sumilip upang maaninag kung sino ba itong mga bagong mukhang bumibisita sa kanilang komunidad.

Maaliwalas ang araw na iyon at malamig ang hangin sa resettlement area dahil sa mas mataas na altitude nito kung ikukumpara sa ibang bayan. Kapansin-pansin rin na ang lokasyon nito ay malayo sa ibang karatig-bayan na malapit sa munisipyo—bagay na sadya ng lokal ng gobyerno upang ilugar ang mga residente malayo sa itinakdang ‘danger zone’ ng nagbabadyang pagputok muli ng bulkang Taal. Gayunpaman, kasabay ng pag-distansya ng komunidad mula sa peligro ay ang paglayo din nila sa kanilang kinakailangang kondisyon upang makapag-hanapbuhay.

JPEG - 308.9 kio
Mapa ng lokasyon ng pabahay kaugnay ng isla ng Bulkang Taal.
Source: Image © 2025 Google, Image satellite © 2025 TerraMetrics.
JPEG - 1 Mio
Mapa ng konteksto ng pabahay.
Source: Image © 2025 Google, Image satellite © 2025 TerraMetrics.
PNG - 7.5 Mio
Detalyadong mapa ng pabahay.
Mapa: Bryan Pauchano, 2024.

Hinatid ako ng isang opisyal ng barangay sa pabahay at ipinakilala kay Alice. Nang nakita niya ako, inanyayahan niya akong umupo sa harap niya sa kanilang beranda at agad-agad siyang nagpakilala. Si Alice, 47 taon gulang, ay isa sa mga dating residente ng pulo. Maaga siyang nag-umpisang magtrabaho at marami-rami na rin siyang naging hanapbuhay sa ‘mainland’ bilang katulong at kolektor ng mga bote, tulak-tulak ang kanyang kart sa highway. Pero sa pulo siya nagpasiyang manahanan— lugar kung saan siya ipinanganak at lumaki. Sa pulo, malugod siyang nakatuon sa pagsaka at paghanapbuhay bilang isang horse guide para sa mga turista. Nasa gitna siya ng paggabay sa mga turista ng pumutok ang Bulkang Taal. Naaalala niya pa ang araw na iyon:

Ay, nakaputok ho. Pumutok na ho ng bulkan, andun pa rin ho kami. Ini-intertain po namin yung guest. Pero nang hindi na ho kaya, lusong na ho kami… Sa madaling salita ay naisip ho namin ang mabuhay. Hindi na po namin inintindi ang gamit. »

Tulad ni Alice, si Elena ay isa ring horse guide noong nakatira pa sila sa pulo. Pinanganak siya sa Camarines Norte, isang probinsya sa timog-silangan ng Batangas. Sa kalaunan, dinala na rin siya ng tatay niya sa pulo ng makahanap ito ng hanapbuhay doon. Ilang taon ang makalipas, nanirahan na rin siya sa isla kasama ang kanyang sariling pamilya at noong 1990, nag-umpisa siya at ang kanyang asawa na maghanapbuhay bilang tour guide na naggagabay sa mga nais makita ang mga sikat na lugar sa pulo. Ngayo’y siya’y nasa 54 taong gulang na, hindi niya akalain na iiwan niya ito lahat upang mag-umpisa muli matapos ang pagputok ng bulkan. Ang pamilya ni Elena ay walang ibang maggawa kundi iwan ang hanapbuhay na sumuporta sa kanilang pamilya sa loob ng tatlumpung taon.

JPEG - 2.1 Mio
Ang aktibong Bulkang Taal sa pulo.
Photo: Ph. R., 2024

Mahirap para kay Elena na iwan ang kanyang buhay na nakagisnan sa isla. Ang buhay na ito ang nagbigay-daan sa kanya upang magkaroon ng mayabong na kapaligiran kung saan pwede rin siyang kumita upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya—isang bagay na masaya niyang ginagampanan (tignan ang mapa sa ilalim). Sinabi niya sakin na napupuno siya ng galak kapag siya ay nasa paborito niyang lugar sa pulo—sa pampang ng lawa. Dito, madali niyang nakikita ang mga parating na turista, ang pinagmumulan ng kanyang kabuhayan, habang nakikipag-usap sa kanyang mga kaibigan at kapit-bahay at namamahinga sa lilim ng kanilang mga kubo. Naaalala ni Elena na bukod sa paggabay ng mga kabayo, nabuhay rin siya sa pulo sa tulong ng iba pang hanapbuhay:

Yun sir… tapos pagkakatapos na mag turista… yun namang minsan nagtitinda kami ng mga masks, sombrero, ganon… Tapos sir pag na-ppending yung pasahero at nagkakaroon ng aberya, cancel dahil mayroong bagyo… minsan eh dumadaan kami ng 3 buwan walang guest kasi yun nga nagkakaroon ng lindol… ang ginagawa namin, nag-aano kami… namumukot…Tas ‘yun binibenta na sa [resort]… sa ano… bentahan dinadala na. »

Bukod pa sa lahat ng ito, nagtatanim rin siya sa kanyang hardin na pinagkukunan niya ng pagkain tulad ng saging, sitaw, at iba pang mga gulay na kinakain nila sa bahay. Ang pagkalago ng kapaligiran ay nagbigay kay Elena at ng ibang taga-pulo ng pamamaraan upang masustentuhan ang kanilang mga pamilya gamit ang mga kinikita nila sa labas lang ng kanilang mga bahay na napapaligiran ng mga puno, ibon, kabayo, at ng lawa.

Ang mga ganitong alaala sa buhay nila sa pulo ay masaya ginugunita ng mga nakatira noon doon. Tinatanaw ng mag-asawang sina Nanay Barbie, 58, at Tatay Alfie, 63, ang kanilang buhay sa pulo bilang mas madali at maginhawa, lalo na kung ikukumpara sa kasalukuyan nilang sitwasyon sa resettlement area. And mga trabaho sa pabahay ay mas mahirap na mapanatili at ang mga pang-araw-araw na gastos ay nagiging masyadong mabigat. Kung dati’y kaya nilang mag-tanim at mag-ani para sa kanilang mga sarili, ngayo’y kailangan na nilang lubos na magtrabaho sa mga lugar na malayo sa kanilang tahanan upang makapagdala ng pagkain sa mesa.

PNG - 1.1 Mio
Ang Elena’s mapang nakapagpapaalala sa kaniyang buhay sa pulo.
Map: Elena, 2024.

Katulad ng mga kapit-bahay nila, naka-asa rin sina Nanay Barbie at Tatay Alfie sa tursimo sa isla upang makapag-hanapbuhay, habang sinusustentuhan naman ng pangingisda at pagtatanim ang kanilang iba pang mga pangangailangan. Napaliligiran ng mga puno at ibon, ang kanilang bahay sa pulo. Gawa ito sa kawayan na nakatayo sa mga poste sa tabi ng lawa (Tignan ang mapa sa ilalim). Sa likod ng kanilang bahay, may isang maliit na daanan pataas sa isang taniman kung saan nakatanim ang iba’t ibang mga gulay tulad ng balinghoy, mais, at maraming kalabasa. Maayroon ring limang puno ng niyog. At sa harap ng kanilang bahay, malapit sa aplaya, ay may isang kubo na ginagamit nila bilang maliit at simpleng lugar upang magpahinga. Iilan lamang ito sa mga bagay na iniwan nila sa pulo ng pumutok ang Bulkang Taal.

Upang makapag hanapbuhay at makapagbaba ng pagkain sa mesa, kinakailangan rin nilang baguhin ang kanilang mga buhay at sundan kung saan pwede magka-pera. Bilang marami na siyang karanasan sa pangingisda at pagsasaka, lubos na nahirapan sa paglipat patungo sa trabaho sa konstruksyon si Tatay Alfie. Pero ito lang ang trabahong tumatanggap sa kanya matapos ang pagputok ng bulkan. Ani niya:

Oo. Pag ako ang pinagkwan mo sa konstruksyon, baka isang linggo lang baka ako’y baluktot na (laughs) sa paghahalo ng [inaudible]. Nakaranas nga ako noon nung kami’y bakwit diyan sa Ala. Nagtrabaho ako kay Malmar(?). Wala pang isang buwan eh ‘di ko na nakaya. Di ko kayang [inaudible] mag-ano. [inaudible] Eh kaso nga lang pag walang hanapbuhay eh nagtitiis lang rin. »

Ang tunay na kanyang hanap ay ang mag-trabaho kung saan may karanasan na siya: sa lawa. Nang tinanong namin kung ano ang hinahanap-hanap ng kanyang katawan, ang kanyang naging sagot ay:

Dagat. Sa dagat ako [inaudible] Doon ako nasalang. Doon ang hanapbuhay ko sa dagat. Kahit malalaking alon, nakakaya ko. »
PNG - 1.5 Mio
Memory map of Brgy. Tabla by Tatay Alfie and Nanay Barbie.
Map: Tatay Alfie and Nanay Barbie, 2024.

Litaw sa mga istoryang ito ang kahalagahan ng bundok at lawa sa kanilang gunita bilang mahahalagang lunan na pinagmumulan ng pang-ekonomika at panlipunang yaman. Para sa mga taga-pulo, ang nawala ay hindi lamang ang kanilang mga materyal na kagamitan, ngunit pati na rin ang kanilang kapasidad na magpatuloy sa hanapbuhay na kanilang nakasanayan sa pulo upang makapaghatid ng pagkain sa mesa. Ang muli’t muling pagdiin ng mga residente para sa pabahay habang naghahangad na mabuhay sa pulo ay nagbibigay-liwanag sa kahulugan at kahalagagan ng paghahanapbuhay. Ipinapakita rin ng mga istorya rito kung paano naging—at nananatiling—tahanan ang pulo sa kanilang buhay dahil sa iba’t ibang paraan na di lamang nito ginawang posible ang mabuhay kundi binigyan din ng kasiyahan ang pamumuhay.

Paglayag sa mga limitasyon at kawalan ng hanapbuhay

JPEG - 6.8 Mio
Mga mangingisda sa paligid ng isla ng Bulkang Taal.
Photo: P.A. Echague, 2024.

Simula ng pumutok ang bulkan, nagbago rin ang kahulugan ng buhay at paghahanapbuhay sa mga nakatira sa isla. Habang sinisikap na tumayo sa sarili nilang mga paa sa kanilang bagong pabahay na bigay ng lokal na gobyerno, di mapigilan ng ngayo’y displaced na mga residente ng pulo na tumanaw sa nakaraang buhay sa isla at muli’t muling ipaghambing ang kanilang karanasan doon tuwing ikekwento ang kanilang kasalukuyang sitwasyon na puno ng kabiguan, pagkasiphayo, at paminsan, luha. Sa loob ng bakod ng resettlement area, hinaharap ng mga bagong residente ang tungkulin na layagin ang mga bagong pamamaraan ng paghahanapbuhay.

Kung ang hanapbuhay sa isla ay malago, ang kondisyon sa resettlement area ay masasabing malayo sa nakagisnan. Si Belen, na pinanganak at lumaki sa pulo, ay madaling nakahanap ng buhay doon. Sa loob ng 16 na taon, naghanapbuhay siya sa panunulay at paggabay ng mga turista pababa ng isang tabla sa pampang. Madalas siyang natatrabaho kasama ang mga turistang piniling huwag sumakay sa mga kabayo. Binebentahan niya ang mga ito ng soft drinks o face masks habang nag-aantay sa pampang. Pero ngayon, sa edad na 53, mahirap ang hanapbuhay niya sa resettlement area, lalo na para sa katulad niyang may altapresyon. Kaya naman sa kaniyang libreng oras, hindi niya mapigilang malungkot tuwing naiisip kung gaano kadali ang mamuhay noon sa isla at kung gaano naman kahirap mag-hanapbuhay sa kanyang bagong tahanan. Ibinahagi ni Belen:

Ay maganda ho sa pulo. Dahil dun ho, maraming pagkikitaan. Pag ho ika’y nakapag-alok sa turista ng soft drinks… tsaka ho mga mask, may pera na kayo. Dito ho anong kikitain ho namin dito? Wala. Mas maganda ho ang tira dun. »

Ramdam din ng marami sa mga tagapulo ang pagkabigo ni Belen sa biglaang kakapusan ng hanapbuhay sa pabahay mula ng sila ay na-relocate. Dito, sa resettlement area, nakadepende siya sa suweldo ng kanyang asawa upang magkaroon ng pagkain. Kung sa pulo, ang mga oportunidad para maghanapbuhay ay nakaugnay sa kapaligiran nila, dito sa pabahay, ang mga oportunidad ay nakaayon sa suweldo at kaakaunti lamang ang mayroon para sa mga kababaihan.

Minsan na lang rin sa bahay si Tatay Alfie dahil kadalasan (kung hindi araw-araw), ang mga kalalakihan ng komunidad ay gumigising nga maaga upang magpunta sa kanilang mga trabaho. Habang ang karamihan sa kanila, kasama na si Tatay Alfie, ay nagtatrabaho para magpatuka sa maraming tilapia farm sa lawa, marami rin ang nagtatrabaho sa iba’t ibang construction sites at mga kumpanya sa mga kalapit na bayan.

JPEG - 881.5 kio
Isla ng Bulkang Taal, kanlurang baybayin.
Photo: Ph. R., 2024.

Ang mga anak at asaw ni Elena ay nagtatrabaho naman sa mga kumpanya kaya naiiiwan siyang nangangalaga ng bahay, mga bata, at mga apo. Dahil dito, kadalasan siyang nasa bahay. Naiintindihan niya rin na iba na ang buhay sa pabahay. Kung sa pulo, pwede nilang gamitin ang kanilang mga kapaligiran kung kailanman at paanuman, iba ang buhay sa resettlement area. Napagtanto niya na:

Kasi iba na tayo ngayon, hindi tulad nung nasa pulo. Kahit saan ka makarating pwede mong kainin, pwede mong pamitasin. Eh dito sir, iba. Dahil siyempre tanim nila yon eh. »

Bagamat maliit ang lupa upang magtanim at kakaunti ang mga oportunidad para maghanapbuhay ang mga kababihan, maligaya si Elena sa paminsang nangangailangan ang kalapit na bayan ng mga trabahador na maggagamas ng pechay. Siya at ang kanyang mga kapitbahay—at minsan pati asawa—ay tinatawaganng mga kalapit na farm upang mag-ani at magbenta ng mga naturang pechay. Nakakabenta si Elena ng sapat na pakete ng pechay upang mabayaran ang pang-isang buwang gastos nila sa tubig at kuryente. Para sa maraming kababaihan sa pabahay, ang pagtrabaho sa bukid ng pechay ay isa sa kanilang pangunahing pinagmumulan ng kita.

Karamihan ng mga araw ni Elena sa resettlement area (tignan ang mapa sa ilalim), kundi nagamit sa bukid ng pechay, ay nagamit sa loob ng bahay kung saan inaalagaan niya ang kanyang mga apo. Inaamin niyang wala siya masyadong magawa pag nasa bahay lang bukod sa pamamasyal sa hapon upang makipag-usap sa mga kababaihang kapitbahay, o kanyang mga kamarites, upang mag-usap at mag-tsismisan. Isa sa mga lugar sa pabahay na nakapagbibigay sa kanya ng ginhawa ay ang puno sa likod, kalapit ng mga bulaklak, kung saan umuupo siya sa isang upuan, sa lilim. Randam niya doon ang malamig na simoy ng hangin.

PNG - 880.8 kio
Ang mapang nakapagpapaalala ng buhay ni Elena sa pabahay
Map: Elena, 2024.

Para kay Nanay Barbie, at marami pang residentte ng pabahay, ang pera ang pinakaimportanteng bagay na dapat meron ka sa resettlement area. Ani niya, “Kung wala kang perang panggastos, wala ka.” Kahit pagkain mula sa tanim, na noon ay libre sa isla. Dahil dito, mas gusto rin ni Tatay Alfie ang buhay sa pulo. Paliwanag niya:

Pero kung tutuusin talaga, gusto ko sa pulo talaga. Lalo na pag wala kang pang-ulam, aahon ka lang ng bundok ay may gulay ka na. May puno... Dito kadali kang masira. »

Sa kabila ng kakulangansa lupang pangtanim, patuloy ang ilan sa mga residente na sumubok at baguhin ang kanilang mga sitwasyon. Naghahanapbuhay sila kung saan mang lupa ang pwedeng pagtaniman gamit ang mga nalalaman at karanasan nila mula sa pulo bilang paraan upang maibalik ang klase ng buhay nila sa isla. Gayunpaman, sa kalaunan, napgatatanto rin nila na lubos-lubos talaga ang pinagkaiba ng kondisyon nila sa pulo at sa pabahay.

JPEG - 7.1 Mio
Mga mangingisda sa isla ng Bulkang Taal.
Photo: P.A. Echague, 2024.

Nananabik si Alice na magtanim muli ng gulay sa kanilang hardin. Ang pagkaunti ng libreng lupa upang magtanim sa resettlement area ay nag-udyok kay Alice na gawin ang lahat ng kanyang makakaya sa limitasyon ng lupa. Pinaligiran ni Alice ng mga halamang nakatanim sa container ng cup noodles, mga plastik na bote, at balde ang pinagtagpi-tagping beranda ng kanyang bahay. Gamit ang maliit na lupa at espasyong kanyang nahanap, pinilit niyang magtanim tulad ng ginagawa nila dati sa pulo. Sabi sakin ni Alice:

Sa totoo lang po, gusto po ho naming magtanim-tanim ng gulay. Medyo gipit lang ho ang aming… ano, yung taniman. Ang ginagawa ho namin. para lang ho maka adekhan are, yung plastic ho, o kaya mga timbang…. malalaki, siya ho naming tinatanim ang talong, mga kamatis, yung tubo lang na hindi nataas. »

Ang Lupang Kanilang Iniwan

JPEG - 4 Mio
Mga halaman at rosas na tumutubo sa mga paso, balde, at lalagyan ng tubig sa tahanan ni Elena sa relocation site
Photo: Bryan Pauchano, 2024.

Sa mga nagdaang taon, parami nang parami ang mga siyentipikong muling iniisip at tinatanaw ang mga ‘disaster’ bilang isang bagay na hindi natural. Katwiran nila na kahit ang mga meteorolohikal at geolohikal na mga proseso, tulad ng mga bagyo, lindol, tsunami, at mga pagputok ng bulkan ay mga paulit-ulit na phenomena sa planeta,ang panukat kung paano sila nag-umpisang kilalanin bilang mga sakuna ay kaugnay ng mga mas malaki at sali-salimuot na ‘social calculus’. [2] Ang realisasyon na ito ang nagbibigay-bukas upang makita natin kung paano nagbabago-bago ang mga karanasan ng mga tao ang mga sakuna kaugnay ng magkakaibang katayuan sa buhay, pulitika, at pagkakakilanlan ng bawat isa.

Sa katayuan ng mga na-displace ng mga sakuna na nabunot mula sa kanilang bayang tinubuan, at kung saan nawala rin ang kanilang nakasanayang hanapbuhay, ang kanilang karanasan ng paglalayag at muling pagbuo ng tahanan matapos ang sakuna ay di lamang emosyonal, ito rin ay maituturing embodied. Tanda nito ang mga kahapi-hapis na kwento ng kanilang mga buhay sa isla na napupuno ng hangad na makabalik. O kaya naman, kung paano nalimitahan ng displacement ang kanilang mga pamamaraan upang makapagbahagi ng pagkain sa mesa. Malinaw pa rin ang memorya ni Alice habang inaalala ang araw na iyon, kahit nagdaan na ang ilang mga taon. Patuloy siyang nag-hahangad ng buhay sa pulo:

Ay di yung emotion po na isa- apat na taon na naman po na pumutok ho ang bulkan. Pero naguguni- gunita pa rin namin na para lang kami nasa pulo. Dahil masarap ang tigil(?) namin sa pulo kaysa dito po. »

Sa paghahabi ng mga kwento ng iba’t ibang hanapbuhay sa pulo na nawala dahil sa relocation sa resettlement area, lumalabas na ang lupa, lawa, at ang pagkakaroon ng mga mapagkukunan sa kapaligiran ay mga importanteng aspeto sa pamumuhay ng mga tao sa pulo.

Ang kanilang mga salaysay ay nagpapakita rin kung paanong ang mga taong noo’y namumuhay ng masagana dahil sa kapaligirang malago ay ngayo’y kulang na kulang sa pang sustento kahit na ngayo’y masasabing malayo na sila sa panganib ng bulkan. Kung walang maaararong lupa, mga alagang hayop, o lokal na turismo, ang mga dating residente ng pulo ay patuloy na makikipag-buno sa anino ng kanilang nakaraan, sumasagupa upang muling mabigyan ng kahulugan ang kanilang mga kabuhayan at kaligtasan sa kabila ng pagka-tabas ng kanilang ugnayan sa tinubuang-lupa.

↬ Bryan Pauchano

PROYEKTO NG EMBODIED ECOLOGIESTALAAN NG MGA NILALAMAN